Pauwi ako galing sa isang optical shop pagkatapos ko ipagawa ang salamin ko sa mata. Kay init ng paligid sapagkat wala masyadong ulap na tumatakip sa tila galit na galit na araw. Nang papatawid na ako sa ilog ng Marikina, malayo pa ay natanaw ko ang isang babae, siguro mga nasa 35-40 ang edad. Bumaba siya sa gilid ng ilog, isang ilog na palaging may mga lumulutang na basura, may masangsang na amoy, at napakaraming mga buhay at patay na janitor fish. Pagbaba niya sa tubig, sinimulan niyang hugasan ang kaniyang buhok, mula sa dulo hanggang sa tuktok ng ulo. Pagkatapos noon ay naghilamos siya ng kaniyang mukha kasunod ng pagpapaligo ng buong katawan.
Nakakagulat at nakakalungkot, parang tinatadtad ako ng saksak sa dibdib at puso habang tinitignan ko ang babae. Tinatanong ko sa sarili ko, "Paano tayo umabot sa punto na pati sa malinis na tubig, na pangunahing karapatan ng lahat, ay di na magawang makagamit ang kapwa, dahilan kung kaya kahit sa marumi at mabahong tubig ng ilog na ito, kailangang nilang magtiis at magtiyaga?"
Naalala ko ang sinabi ng Papa Francisco sa kaniyang Laudato Si, "Kay lubha ng utang ng ating lipunan sa mga dukhang walang magamit na malinis na (inuming) tubig dahil sila ay napagkakaitan ng karapatan sa isang buhay na naaayon sa kanilang pantaong dangal na kailan man ay di mawawala" (LS, 30). Samantalang labis-labis ang paggamit natin ng maayos na tubig upang tiyaking malinis ang ating mga tahanan, mga kagamitan, alagang hayop, o mga sasakyan, heto naman sobrang hirap para sa iba ang pagkakaroon ng pagkakataon na makagamit ng malinis na tubig na siyang nararapat sa kanila bilang pagtanaw at pagbibigay-galang sa kanilang likas na pantaong kahalagahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento